Wednesday, May 9, 2012

XXIV. ‘Wag mong hanapin ang pag-ibig, ito’y kusang darating sa’yo.’



Naisip ko lang yung palaging sinasabi nila, ‘Wag mong hanapin ang pag-ibig, ito’y kusang darating sa’yo.’ Oo nga, tama naman talaga sila. Hindi mo naman talaga dapat itong hanapin, hayaan mong ang pag-ibig ang maghanap sa’yo. Pero naisip ko lang, kailangan nga bang palagi mo na lang itong hintayin? Hindi ba’t mas mabuti na may gawin ka para dumating ito sa’yo, na mahanap ka nung taong magmamahal sa’yo? Kasi, kung maghihintay ka na lang nang maghihintay palagi, alam mo ba kung hanggang kailan? Alam mo ba kung gaano katagal magkakaroon ng sagot ang paghihintay na ginagawa mo? Tayo pa naman yung tipong ayaw na ayaw nang naghihintay. Basta paghihintay ang usapan, madali tayong mainip, madali tayong sumuko. Kaya ikaw, sa tingin mo ba, kakayanin mong maghintay talaga kahit gaano pa ito katagal?
Oo nga naman, maraming magagandang bagay ang nakukuha kapag marunong tayong maghintay. Pero naisip ko, hindi naman ito applicable sa lahat ng bagay, katulad na lang sa pag-ibig. Hindi naman pwedeng habang buhay ka na lang naghihintay at sasabihin mo sa sarili mo at sa ibang tao na, ‘I’m just waiting for him/her to find me.’ Isipin mo, siya na lang ba palagi ang maghahanap sa’yo? Bakit hindi mo kaya subukang hanapin din siya? Naisip ko lang, ang unfair nga naman pala talaga. Hinahanap ka niya samantalang ikaw, wala kang ginagawa na kahit ano para mahanap niyo ang isa’t isa. Tama nga yung sinabi sa’kin ng isang kaibigan, ‘Kapag walang actions, useless lang yung ginagawa mong paghihintay.’ Tama siya, wala nga talaga tayong mapapala kapag wala tayong ginagawa. Oo, palaging sinasabi sa’tin na maghintay at maging patient, pero minsan nakakapagod na rin hindi ba? Nakakasawa.
Siguro nga kailangang may gawin na rin ako. Ako kasi yung taong palagi kong sinasabi sa sarili kong, ‘Darating din siya, maghintay ka lang.’ Pero, ano nga bang ginagawa ko para dumating siya? Wala. Kaya lang, ano nga bang dapat kong gawin, dapat nating gawin para dumating yung isang taong magmamahal sa’tin? Sa totoo lang, hindi ko alam. Siguro, sa puntong maging ready ka, doon mo na lang malalaman talaga kung ano yung mga dapat mong gawin. It comes naturally, kungbaga. Pakiramdam ko naman kasi, puso na rin naman natin yung bahalang gumawa ng aksyon para mahanap tayo nung taong ‘yon. Oo, maaaring sa paghihintay na gagawin natin ay darating nga siya, pero naisip mo ba kung gaano katagal na paghihintay ang dapat mong gawin? Pero kung habang hinihintay mo siya ay may ginagawa kang aksyon o paraan, hindi ba’t mas mapapadali na mahanap niyo ang isa’t isa? Sana ganun na lang kadali ang paghihintay ‘no? Kaya lang hindi, minsan mahirap, minsan matagal. Pero, ano ba naman yung maghintay ka para sa panghabangbuhay na kasiyahan hindi ba?
Pero minsan dumarating din naman talaga tayo sa puntong nagsasawa na at napapagod nang dahil sa paghihintay hindi ba? Sino nga ba naman kasi ang gustong palagi na lang nahihirapan? Pero kung iisipin mo, hindi ba’t mas maganda siguro kung hanapin mo na lang kesa ang hintayin mong dumating ito sa’yo? Ano kaya kontrahin mo yung palaging sinasabi nila, ‘Wag mong hanapin, dahil kusa itong dumarating.’

No comments: